Sabado, Pebrero 4, 2012

Hilagang Mindanao


Matutunghayan ninyo sa parteng ito ang isang pagpapakilala sa panitikan ng isang rehiyon sa Filipinas, ang Hilagang Mindanao o ang Rehiyon X. Maibabahagi sa pamamagitan ng papel na ito ang munting pagkilala sa iba’t-ibang uri ng panitikan sa rehiyon na payayamanin din ng ilang kaalaman patukoy sa pampisikal, pang-ekonomiya, pangkultura at panlipunang aspeto ng rehiyon. Bukod dito, naglalayon din ang papel na masagot ang mga katanungang, saan ng ba patungo ang panitikang Filipino? at Sapat ba ito para bumuo ng isang wikang pambansa?
Sa pagdaloy nito, sana ay hindi lamang kapulutan ng mga teknikal na kaalaman tungkol sa rehiyon, sa halip magkaroon din ng isang makabayang pagtangkilik at pagsasapuso ng ating pagka Filipino ang mambabasa at magkaroon ng mga positibong pananaw para sa pag-unlad natin bilang isang bayan.

Sa pagbubukas ng katawan ng papel na ito, sisimulan ng manunulat ang pagpapakilala sa kabuuang sining at yaman ng rehiyon sa pagtatalakay muna sa mga pampisikial na katangian at kasaysayan ng bawat lalawigang nasasakop nito. Kabilang na rin dito ang mga pang-ekonomiya, panlipunan at pang-kulturang aspeto ng bawat isa.
Mayroong limang lalawigang bumubuo sa Hilagang Mindanao, ang Bukidnon, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin at Lanao del Norte.

BUKIDNON
Ang lalawigan ng Bukidnon sa Hilagang Mindanao ng Filipinas ay isang patag, mapuno at mabundok na lupain na mayroong sukat na 829,378 na hektarya. Pinaliligiran rin ito ng Misamis Oriental sa Hilaga, Agusan del Sur sa Silangan, Coatabato, Davao del Norte at Lanao del Sur sa Timog at Lanao del Norte sa Kanluran, kaya naman tinatawag nalandlocked ang lalawigang ito.
Ang Bukidnon ay binubuo rin ng dalawang lungsod, ang Valencia at Malaybalay na siyang kapital nito at ng dalawampu pang munisipalidad: Baungon, Cabanglasan, Impasug-Ong, Lantapan, Manolo Fortich, Quezon, Talakag, Dangacan, Damulog, Kibawe, Libona, Maramag, San Fernando, Kitaotao, Kadingilan, Don Carlos, Malitbog, Pangantucan at Sumilao. Kung populasyon naman ang paguusapan, ayon sa 2007 census ng Filipinas ay mayroong humigit kumulang 1,190,2840 katao sa buong lalawigan ng Bukidnon.
Bago naging ganap na lalawigan ng Hilagang Mindanao ang Bukidnon, ano nga ba ito dati? Noong 1850, panahon ng mga Kastila, munisipalidad pa ang Bukidnon ng lalawigan ng Misamis, hindi pa kilala ang munsipalidad noon sa pangalang Bukidnon sa halip Malay-balay at Bukidnon naman para sa mga taong naninirahan dito. Kaunti lang ang mga katutubong naninirahan noon sa Malay-balay, kaya na rin siguro ito ang ipinangalan sa munisipalidad dahil nangangahulugan itong kaunting mga bahay. Nang sumiklab ang 1900 nagsimula na rin dumating ang mga Amerikano sa Filipinas. Noong Agosto 20, 1907 sa tulong ng proposisyon ni Komisyoner Dean C. Worsetr ng The Philippine Comission na ihiwalay ang Malay-balay sa Misamis, naipasa ang Philippine Comission Act 1963 na naglalalaman ng ganitong layunin. Bilang bungad ng nasabing Comission Act, naging regular na probinsya o lalawigan ang Bukidnon pagsapit ng Setyembre 1, 1914 at opisyal na nadeklarang probinsya ng Hilagang Mindanao noong Marso 10, 1917. Ngunit nang dumating ang mga Hapon sa Filipinas noong 1942, sinakop nila ang Bukidnon at tsaka na lamang nakatanggap ng independensya noong 1945, panahon ng liberasyon kung kalian napalisan na ang mga Hapon sa Filipinas.
Binubuo rin ng iba’t-ibang tribo at katutubo ang mga mamamayan ng Bukidnon. Ngunit ang mga tribong Manobo at Talaandig lamang ang natira sa Bukidnon matapos ito maging ganap na probinsya. Hanggang sa kasalukuyan ay buhay pa rin ang mga tribong ito sa Hilagang Mindanao. Sa katunayan pati ang mga makalumang paniniwala at kultura nila’y kasalukuyan pa rin nilang isinasabuhay. Hindi nga lang sila laganap sa kapatagan ng Bukidnon sa halip sa mga malalayo at matataas na kabundukan. Kaya nga siguro may iba’t-ibang lebel ang uri ng mga pamumuhay sa Bukidnon, ang unang lebel ay sinasakupan ng mga tribo ng Bukidnon, yoon ngang mayroon pa ring tradisyunal na pamumuhay at nakatira sa mga liblib na gubat at matataas na bundok. Ang pangalawang lebel naman ay sinasakupan ng mga mamamayan na may tradisyunal na pamumuhay pa rin ngunit naninirahan na sa kapatagan ng lalawigan. Ang sa ikatlong lebel naman ay ang mga mamamayan na nakakapag-aral at mulat sa makabagong pamumuhay sa kasalukuyan. Ang sa ikaapat na lebel naman ay sinasakupan ng mga mamamayang sanay na sa makabagong pamumuhay at hindi na tumatangkilik pa sa mga tradisyunal na kaugalian at kultura. At panghuli, ang ikalimang lebel, dito na nabibilang ang mga imigrante mula sa iba’t-ibang lugar sa bansa o sa ibang bansa na piniling mamuhayan sa Bukidnon. Halimbawa ng mga ito ay mga Cebuano, Ilocano, Panay-Hiligaynon, Tagalog, Ivatan, Muslim at marami pang iba. Malaki ang naitulong ng paninirahan ng iba’t-ibang katutubong ito sa pag-unlad ng probinsya dahil sa iba’t-ibang klaseng impluwensyang naidulot nito katulad ng lenggwahe. Sa Bukidnon, mas gamit ang wikang Cebuano kaysa sa wikang Binukid na pumapangalawa lamang at pumapangatlo naman ang wikang ingles. Ang mga samu’t-saring impluwensya at kultura na dala ng mga imigrante ay nagbuklod-buklod upang magkaroon ng isang epektibong lipunan at ekonomiya.
Dahil sa ang Bukidnon ay isang lalawigang malupa at pinaliligiran pa ng malalawak na lupain, pangunahing ekonomiya nito ang agrikultura. Sa katunayan, ito ay tinaguriang Pineapple Capital of the World dahil sa ito ang nagtataglay ng pinaka-malaking plantasyon ng pinya sa buong mundo. Bukod sa pinya ay nangunguna rin ito sa industriya ng pagaani ng mais, palay, tubo, kape, gulay, bulaklak at rubber. Ilan sa mga kilalang korporasyon dito ay:
Menzi Farms- matatagpuan sa munisipalidad Manolo fortich, na nagaani iba’t-ibang prutas at bulaklak tulad ng orange, pinya, cacao at kape.
RPA Ventures- isang korporasyon na nagaani ng mga bulaklak, matatagpuan din sa Manolo fortich, Barangay Diclum.
Magic Farms- isa itong malawak na lupain para sa iba’t-ibang eksperimentasyong pang-agrikultural. Nagaani rin ng iba’t-ibang prutas tulad ng ubas, saging, langka at mga isda.
Del Monte Philippines Inc.- Ito ang tinuturing na pinakamalaking plantasyon ng pinya kabuuan ng malayong Silangan. Matatagpuan ito sa munisipalidad ng Manolo Fortich, Libona, Impasugong, Sumilao at Malaybalay.
Bukod sa pagiging kilala ng Bukidnon sa pang agrikultural na aspeto, kahanga-hanga rin ang kasiningang nananaig sa bayang ito. Kilala ang mga Handicrafts nila na gawa sa rattan, kawayan at kahoy, tulad ng basket, mga kagamitan sa bahay, sculptures at iba pa.Isa pang tinatangkilik na sining sa Bukidnon ay ang mga pista, partikular ang Kaamulan Festival. Ito ay idinaraos sa huling linggo ng Pebrero hanggang sa unang linggo ng Marso. Inihahandog sa pagdiriwang na ito ang mga yaman ng at tradisyon ng pitong tribong nanirahan sa Bukidnon: Higaonon, Talaandig, Umayamon, Manobo, Tiwahanon, Matigsalug at Bukidnon. Inihahandog ng ilang mantatanghal sa pagdiriwang ang kasaysayan ng Bukidnon, kasama rin sa pagdaraos nito ang mga karaniwang programa sa isang pista tulad ng mga food fest, garden show, street dancing at iba pa.


MISAMIS ORIENTAL
Mula sa Bukidnon, ang susunod na ipapakilala naman ay ang Misamis Oriental. Kung ikukumpara sa 829,378 hektaryang lawak ng lupain ng Bukidnon ay maliit na maliit lamang ang Misamis Oriental, mayroon lamang itong 357,010 hektaryang lawak ng lupain ngunit hindi tulad ng Bukidnon na landlocked, ito ay napapaligaran ng anyo ng tubig sa parteng Hilaga at Kanluran nito: Macalajar Bay sa Hilaga, Iligan Bay sa Kanluran, Agusan del Norte sa Silangan at Bukidnon at Lanao del Norte sag awing Timog. Sa madaling salita ang Misamis Occidental ay napapaligiran pareho ng katubigan at kabundukan, partikular mga bulkan na may 2500m ang taas.
Ang Misamis Oriental ay binubo ng dalawang lungsod, ang Cagayan (kapital) at ang Ginoog tapos ay dalawampu’t apat na munisipalidad: Alubijid, Balingasag, Balingoan, Binuangan, Claveria, Gitagum, Initao, Jasaan, Kinoguitan, Lugait, Lagonglong, Laguindinigan, Libertad, Magsaysay, Opol, Manticao, Medina, Naawan, Tagoloan, Salay, Talisayan, Villanueva, El Salvador. Sinasakupan din ng Misamis Oriental ang humigit kumulang na 1,126,215 tao base sa 2007 cenus population.
Bago maging Misamis Oriental, nagsimula muna ang lalawigan bilang Misamis. Nagmula sa mga Kastila ang pangalang ito na nangangahulugang Kuyamis na siya raw nagsilbing sinaunang pagkain ng mga sinaunang katutubong nanirahan ditto, gayunman sinasabi rin ng iba na ang Misamis daw ay nagmula sa salitang Misa na siya raw sinisigaw ng mga bagong binyag na Kristyanong Filipino sa lugar na ito, tuwing darating ang mga magmimisang prayle.
Nagsimula ang kasaysayan ng Misamis noong 1818 panahon ng mga Kastila, nang gawin itong corrigemiento at naging isa sa apat na dibisyon ng Hilagang Mindanao: Partido de Misamis, Partido de Dapitan, Partido de Cagayan at Partido de Catamaran. Pagdating naman ng ika-19 siglo, kasabay ng pagdating ng mga Amerikano, nabuwag na ang mga corrigemiento at naging isa sa anim na distrito ng Mindanao ang Misamis at itinatag ang Cagayan de Oro bilang kapital nito at ng buong Hilagang Mindanao. Pagsapit ng 1929 naipasa ang Legislative Act No. 3537 na nagsasaad ng paghahati sa Misamis sa dalawa, makalipas ang sampung taon, taong 1939 ganap na nahati na ang Misamis sa Misamis Oriental at Misamis Occidental at ang unang gobernador ng Misamis Oriental ay si Don Gregorio Palaez.
Tulad sa Bukidnon, nakatira rin ang samu’t-saring mga katutubo at tribo sa Misamis Oriental. Ilan sa mga etnikong grupong naninirahan pa rito ay ang mga Manobo at Bukidnons. Binubuo rin ang populasyon ng lalawigan ng iba’t-ibang mamamayan mula sa iba’t-ibang lugar sa loob at labas rehiyon katulad ng mga Cebuano, Ilocano, Muslim, Tagalog, Bisayan, Cagayanon at iba pa. Kaya naman ganon din kalaganap ang iba’t-ibang wikang ginagamit sa loob ng probinsya. Nariyan ang Cebuano, Tagalog, Maranao, Hiligaynon, Ilonggo, Waray at Ingles.
Pag dating naman sa ekonomiya ay mas maraming benepisyo ang Misamis Oriental kaysa sa Bukidnon dahil sa heograpiya nito. Bukod sa pagkakaroon ng ekonomiyang pang-agrikultural ay bukas din ito sa mga likas yamang pandagat dahil sa napapaligiran ang hilaga at kanlurang bahagi nito ng katubigan.
Ilan sa mga kilalang industriyang pang-ekonomiya sa Misamis Oriental:
Del Monte Pineapple Cannery- Matatagpuan sa Cagayan de Oro City, dito ginagawa ang mga produktong de lata ng del monte tulad ng pineapple juice at iba pa.
Mindanao Product Showroom- Isang showroom sa Cagayan de Oro, kung saan naka display ang iba’t-ibang handicrafts sa buong Hilagang Mindanao.
Ostrich and Crocodile Farm- Matatagpuan ito sa Opol, Misamis Oriental. Pagmamay-ari ng mga Filipino-Chinese na negosyante.
Mindanao Slik Mulberry Farm- Matatagpuan sa Claveria, Misamis Oriental. Binabahay nito ang Philippine Textile Research Institute Mindanao Office.
PHIVIDEC Industrial Estate- Matatagpuan sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Ceramic Making- Sa Bulua, Cagayan de Oro. Gawaan ito ng mga paso, plato, banga at iba pang ornamental.
APTPCO- Sa Ginoog City. Ang produkto ay plywood.
INDO PHIL. OIL MILL- Sa Medina, Misamis Oriental. Gumagawa ng Coconut Oil.
Sa kabuaan ay maunlad ang pang-ekonomiyang aspeto ng Misamis Oriental, kung tutuusin pinaka maunlad sa buong Hilagang Mindanao dahil dito matatagpuan ang Cagayan de Oro na siyang kapital ng buong rehiyon. Cagayan de Oro ang nagsisilbing kapital na kalakalan ng mga industriyang nag-iimbes sa Hilagang Mindanao, bagkus ito rin ang may pinaka modernong kapaligiran at kabuhayan sa buong rehiyon.
Bukod sa pagkakaroon ng maunlad na ekonomiya ng Misamis Oriental, kilala rin ito sa mga pasyalan at iba’t-ibang festivals. Nariyan ang mga likas yamang talon tulad ng Talon ng San Isidro/Sagpolon, Palalan at Tiklas. Mga Cold Spring tulad ng Sapong Spring at mga kweba tulad ng kuweba ng Macahambus. Tinatangkilik din ng husto ang mga masining na pista ditto tulad ng Kagay-an Festival sa Cagayan de Oro na idinaraos tuwing Agosto 26. Isa itong pagdiriwang para sa pagbibigay pugay kay Santo Agustine. Ang Kaliga Festival sa Ginoog City na idinaraos naman tuwing Hulyo 23 na idinaraos naman para alalahanin ang anibersaryo ng City Charter. Ang lubi-Lubi Festival sa Ginoog City rin tuwing ika-22 ng Mayo ay selebrasyon naman ng pista ni Sta. Rita. Karaniwang gumagamit ng mga kostyum ang mga mananayaw sa selebrasyon na gawa sa mga coconut. At ang Hudyaka Festival na ikinukumpara na tila Maskara Festival daw ng mga tiga Bacolod, Sinulog ng Cebu at Kadayawan ng Davao at iba pang uri ng pista na nagsasadula ng pagbabalik tanaw sa kasaysayan ng lugar bilang pagtatanghal.

MISAMIS OCCIDENTAL
Dahil nga sa Legislative Act No. 3537 na ipinasa noong Nobyembre 2, 1929, nahati ang Misamis sa dalawa. Ang Misamis Oriental ay matatagpuan sa Silangang bahagi ng Hilagang Mindanao, at ang Misamis Occidental naman sa may parteng Kanluran ng rehiyon. Ang lupain ng Misamis Occidental ay may lawak na 2,024.18 kilometro kwadro na pinapaligiran ng Mindanao Sea sa Hilagang Silangan, Iligan Bay sa Silangan, Paniguil Bay sa TimogSilangan, at Zamboanga del Norte at Zamboanga del Sur sa Kanluran.Binubuo ito ng tatlong lungsod: Oroquieta (kapital), Ozamis at Tangub. Mayroon ding labing apat na munisipalidad: Clarin, Jimenez, Plaridel, Tuleda, Concepcion, Lopez Jaena, Sapang Dalaga, Panaon, Don Victoriano at Sinacaban. Ang mga mamamayang naninirahan dito ay hindi nalalayo sa mga mamamayan at lengwaheng ginagamit sa Misamis Oriental at Bukidnon, nariyan pa rin ang mga Cebuano, Ilocano, Muslim, Tagalog at iba pa. Mayroon ding mga partikular na tribo na nakitra sa mga kabundukan ng Misamis Occidental, ang mga Subanons. Tulad ng mga Talaandig sa Bukidnon, sumusunod pa rin sila sa mga tradisyunal na paniniwala at kultura ng kanilang mga ninunno. Maging sa kasalukuyan din ay buhay pa rin ang lenggwahe ng mga Subanons na Subanen, na siyang gamit ng mga katutubong namumuhayan pa dito.
Ang tatlong lungsod at ang labing tatlong munisipalidad naman maliban sa Concepcion ay nasa parteng Silangan kung saan nakapaligid sa kanila ang Mindanao Sea, Iligan Bay at Paniguil Bay. Dahil dito, ang pangunahing kabuhayan ng mga mamamayan ay ang pangingisda at pumapangalawa naman ang agrikultura kung saan mga gulay, prutas, niyog at palay rin ang mga ani. Kaya naman sikat ang Misamis Occidental sa pageexport ng lamang dagat sa ibang bansa tulad ng tilapia, lapu-lapu at hipon. Sa pang agrikulturang aspeto naman, nangunguna ang Coconut processing sa industriyang pang-ekonomiya ng lalawigan.
Bukod sa kilala ang Misamis Occidental sa iba’t-ibang anyo ng tubig nito na hindi lamang nagdadala ng pang-ekonomiyang pag-unlad kundi pati pag-unlad ng turismo. Kilala rin ang lalawigan sa dami ng mga magagandang tanawin, puntahan , festival at iba't-ibang mga delicacies. Nariyan ang Layawan River na matatagpuan sa Oroquieta City. Kilala ito sa pagiging isa sa mga pinaka malinis na ilog sa kapuluan. Ang sikat na puntahang Pipe Organ Immaculate Concepcion Cathedral sa Ozamis kung saan matatagpuan ang kaisa-isahang Pipe Organ na natira sa buong Mindanao. Ang Fort Santiago (Fort of Nuestra SeƱora del Triunfo dela Cruz) isang lumang cotta ng mga Kastila noon pang 1756 na binuo upang protektahan ang rehiyon mula sa mga pirata noon. Ngayon ay nagsisilbi na itong isang historikal shrine kung saan may ilang naniniwala na may milagrong nagaganap dito at ang Naomi's Botanical Garden sa Ozamis kung saan ang malaking hardin ay naglalaaan ng iba't-ibang uri ng tanim ng prutas at mga bulaklak. Sa mga pagkain naman, bukod sa mga lamang dagat, palay, niyog, mais, gulay at iba't-ibang uri ng prutas kilala rin ang Misamis Occidental sa sikat na pampasalubong nito para sa mga turista, ang Galletas. Maliliit itong biscuit na gawa mismo ng mga mamamayan doon.
Sa usapang sining naman, hindi rin papahuli ang mga mamamayan ng Misamis Occidental. Dinadayo ng mga turista ang lalawigan para mapanood ang sikat na Dalit Festival sa Tangub City kung saan ipinagdiriwang ang pista ni San Mikael, ang arkanghel tuwing ika-29 ng Setyembre. Ang selebrasyong ito ay pagpapahayag ng mga Tagubanons sa mga turista ng paghahandog ng pagkakaibigan. Ang ibig sabihin ng Dalit na “offering” ay ipinapakita ng mga Tagubanons sa mga bisita sa iba't-ibang paraan ng pagpapakilala, kapayapaan at kaisahan. Naglalaman din ang festival ng mga pagtatanghal na naglalaman ng mga sayaw, ritwal at tradisyon ng mga katutubong Tagubanon.
Bukod sa Dalit Festival, pinaka sikat ang Misamis Occidental, partikular sa Tangub City bilang Christmas Symbols Capital. Tuwing kapaskuhan kasi sa Tangub, ipinagdiriwang nila ang okasyon sa pagkakaroon ng paligsahan sa paggawa ng pinaka maganda, pinaka masining at pinaka kakaibang symbolo ng kapaskuhan na ipinapaskil sa mga plaza, highway at mga baranggay. Kapansinpansin ang tradisyon na ito para sa mga turista, dahil kabigha-bighani ang mga masisining na interpretasyon ng mga Tagubanons sa symbolo ng pasko.

CAMIGUIN
Sa buong Hilagang Mindanao, ang lalawigan siguro ng Camiguin ang pinaka maliit at pinaka naiiba. Sa pisikal na anyo pa lamang ay nangingibabaw na ito sa kagandahan. Ang Camiguin ay isang hugis peras na isla na may sukat lamang na 29,000 hektarya, isa lamang itong maliit na bahagi ng lupa sa gitna ng malaking anyo ng tubig. Binubuo ang isla ng mga gubat, talon, bundok at iba pang anyo ng tubig. Kasama ito sa nangunguang 25 na tourist spots sa Filipinas at kinilala bilang pampito sa pinaka magagandang diving spots sa buong mundo. Tinagurian din itong volcanic island o island of bonfire dahil sa pitong bulkang taglay nito. Ang buong lalawigan din ay binubuo ng 5 munisipalidad: Mambajao (Kapital), Mahinog, Catarman, Sagay at Guinsiliban at 58 pang baranggay. Batay sa 2007 census population binubuo ito ng humigit kumulang 74,232 katao. Camiguinons ang tawag sa mga katutubo ng Camiguin na nagmula sa tribo ng mga Manobo ngunit sa kasalukuyan ay binubuo na rin ang maliit nilang lipunan ng mga pinaghalu-halong uri ng mamamayan. Pangunahin pa rin sa lalawigang ito ang lenggwaheng Cebuano pumpangalawa ang Hiligaynon at may mangilan-ngilan pa rin namang gumagamit pa ng tradisyunal na dialekto ng mga katutubong Camiguinons na Kinamguin. Maliit lang talaga kung tutuuisin ang Camiguin ngunit ito ang pinaka dinadayo at pinaka kilalang lugar ng mga turista sa buong Hilagang Mindanao dahil sa kaakit-akit na paraisong hinahandong sa mga tao ng napaka gandang islang ito.
Dahil na nga rin sa ang Camiguin ay pinalilibutan at binubuo ng iba't-iban anyo ng tubig, naging pangunahin na sa pang-ekonomiyang aspeto ng mga mamamayan ng islang ito ang pangingisda at pumapangalawa rin ang agrikultura. Copra ang kanilang pangunahing ani sunod ang mga abaca, palay, mangga, lanzones at iba pang prutas. Datapwa't sagana sa likas yaman ang Camiguin pangunahin pa ring bumubuhay sa isla ay ang turismo, kaya naman patuloy ang pangangalaga ng mga Camiguinons dito.
Bukod sa magagandang anyo ng tubig, isa pang rason kung bakit hitik na hitik sa mga turista ang Camiguin ay dahil mayroon din itong historikal na pinagmulan. Dito sa Camiguin unang dumaong ang ekspedisyon ni Magellan at ni Legazpi noong 1521 at 1565. Dito rin itinaguyod ng mga Kastila ang unang una nilang lalawigan sa Filipinas, ang Guinsiliban noong 1598 na ang ibig sabihin ay “magbantay ng mga pirata mula sa isang tore”. Kasalukyan pang nasa Guinsiliban ang toreng ito na itanayo pa noong panahon ng Kastila. Pagdating ng 1679 nagkaroon ng mas malawakang paninirahan sa Filipinas ang mga Kastila at ito ay sa Camiguin pa rin, sa Catamaran na naging baranggay bon-bon. Naging opsiyal na nayon na rin ang Sagay at Mambadjao noong 1848 at 1855, ngunit sa kasamaang palad pmutok ang Mt. Vulcan Daan noong Mayo 1, 1871 at sinira ang buong kanayunan ng Catarman (na noon ay Katadman) at lumubog sa karagatan ang kalahati ng buong nayon. Matapos ang trahedya ay lumpat na ang nayon sa kasalukuyang kinatatayuan ng Catarman ngayon sa Camiguin, kasalukyan ding isang tourist spot ang lumubog na nayong ito o mas kilala ngayon bilang Sunken Cementary.
Pag dating naman ng 1901, sa pagitan ng digmaang Kastila-Amerikano, dumaong ang ilang mga Amerikano sa Camiguin upang pairalin ang kanilang politikal na kapangyarihan ngunit lumaban ang ang mga Camigunons para sa independensya gamit ang kanilang mga bolo sa pangunguna ni Valero Camaro, sa kasamaang palad hindi sila nagtagumpay at nabaril ng isang sundalong amerikano si Camaro. Kaya naman kinikilala siya ngayon bilang isa sa mga bayani ng Camiguin.
Noong 1903 naman ay nagtayo ang mga Amerikano sa Camiguin ng pampublikong paaralan sa Mambadjao. Pagsapit ng 1942, dumating na ang mga Hapon sa Filipinas at noong Hunyo 18 ng nasabing taon ay nagtayo ng gobyerno ang mga ito sa Mambadjao, Camiguin. Ngunit nakamit din nila ang independensya mula sa mga ito noong Hulyo 4, 1946 ng makuha ng Filipinas sa Estados Unidos ang kalayaan at naging Republica ng Filipinas. Mula 1946 hanggang 1958 itinuring na parte ng Misamis Oriental ang Camiguin hanggang sa naging ganap na probinsya ito noong 1968.
Dahil sa magandang kasayasayang bumabalot sa Camiguin, naging bunga nito ang mga masisining na pagdiriwang na dinadayo rin ng mga turista dito. Nariyan ang Lanzones Festival at ilang mg folk dances tulad ng Tinikling, Pandanggo sa Ilaw at Spanish Dance. At dahil nga sa naging mahabang pamamalakad ng mga Kastila dito, naimpluwensyahan ang mga ninuno natin ng sining sa pag-uukit ng mga santo, na siya namang tinatangkilik pa hanggang ngayon ng mga Filipino maging mga turista. Hindi rin papahuli ang mga Camiguinons sa paggawa ng mga handicrafts na kagamitan tulad ng mga basket, banga at maging ilang mga bagay na gawa sa metal.

LANAO del NORTE
Ang Lanao del Norte naman ang pangwakas na na probinsya sa Hilagang Mindanao para sa papel na ito. Maliit lamang din ang lalawigan kung ikukumpara sa Misamis Oriental,Occidental at Bukidnon dahil mayroon lamang itong lawak na 309,200 hektarya. Pinaliligiran din ito ng Iligan Bay sa Hilaga, Misamis Occidental sa Silangan, Lanao del Sur sa Timog at Paniguil Bay sa Kanluran. Mayroon lamang itong isang lungsod, ang Iligan City at 22 Munisipalidad: Bacolod, Kauswagan, Maigo, Pantao Ragat, Salvador, Tangkal, Balo-i, Lala, Matungao, Pantar, Poona Piagapo, Sapad, Tubod, Baroy, Munai, Karomatan, Kapatagan, Linamon, Nunungan, Tagoloan at Magsaysay. Katulad din ng sa ibang lalawigan binubuo na rin ito ng iba't-ibang mamamayan sa kasalukuyan. Ang kaiba nga lang mula sa mga unang nabanggit na lalawigan ay dito sa Lanao del Norte pinaka laganap ang mga Muslim, mayroong 60:40 na ratio ng mga Muslim at mga Kristiano, sa pabor ng mga Kristyano. Sa lenggwahe naman ay laganap ang mga wikang Cebuano, Filipio at Ingles para sa mga Kristiyano at wikang Maranao naman para sa mga Muslim. Ang mga Maranao kasi ang naunang katutubong nanirahan dito, kaya nga dito rin hinango ang pangalang Lanao na ang ibig sabihin ay anyo ng tubig. Matagal nanirahan ang mga Maranao sa Lanao bago pa dumating ang mg Kastila, kaya naman nakpagtayo na sila ng sarili nilang sibilisasyon at kultura kaya naman ang kanilang kultura, paniniwala, kagawian at relihiyon ay kaiba sa buong Filipinas. Sa katunayan noong 1970's lamang natanggap ng karamihan sa kanila na sila ay mga Filipino rin at maging hanggang sa kasalukuyan ay buhay na buhay pa rin ang sarili nilang kultura at paniniwala na hindi kumukumporme sa kultura ng nakararaming Filipino. Napapaligaran rin ang hilaga at kanlurang parte ang Lanao del Norte ng magkaibang anyo ng tubig kaya naman pangingisda rin ang pangunahing kabuhayan ng mga nakatira rito. Bukod sa naaning lamang dagat, sagana rin sa pang-agrikultural na yaman ng Lanao del Norte. Kilala ito sa pag-aani ng mga prutas, niyog, palay at gulay. Dito rin matatagpuan ang sikat na Maria Christina Falls na siyang nagbibigay kuryente sa buong Mindanao.
Ang Lanao ay dating may mas malawak na sinasakupan, ngunit noong Hulyo 4, 1959 nahati ito sa dalawang parte ang Lanao del Norte at Lanao del Sur dahil sa Republic Act No.2228. Iligan City ang unang tinaguriang kapital ng Lanao del Sur ngunit dahil sa Batas Pambansa 181, mula Iligan ay nalipat ang kapital ng lalawigan sa munisipalidad nitong Tubod.
Kilala rin ang Lanao del Norte sa mga masisining na pagdiriwang nito tulad ng Sagayn Festival na sinasayaw ang tradisyunal na sayaw ng mga Maranao para sa araw ng Lanao del Norte at ang Sagingan Festival na ginaganap naman tuwing Oktubre sa Tubod. Isa itong pagsasayaw sa kalye bilang pasasalamat sa mga na-aning prutas at gulay ng mga magsasaka, partikular ang mga saging.

Sa pagtatapos sa pagpapakilala sa limang probinsyang bumubuo sa Hilagang Mindanao, naipakita ng papel na ito kung gaano kaganda at kayaman ang rehiyong nabanggit. Sana'y nakapagpukaw ito ng interes sa mambabasa upang lalong magsaliksik sa kagandahan ng rehiyon at maging ng iba pang rehiyon. At dahil ang papel na ito ay nakapagbigay na ng sapat na kaalaman patukoy sa iba't-ibang lalawigang sakop ng rehiyon ang susunod naman na ilalatag nito ay ang mga panitikang Filipinong bumubuo at nagbubuklod buklod sa kasaysayan, kapaligiran, lipunan at mga mamamayan ng Hilagang Mindanao.
Layunin ng bahaging ito ng papel na mailahad at maipakita sa mambabasa ang mayamang kultura na taglay ng rehiyon ng Hilagang Mindanao. Pagtutuunan ng pansin sa rehiyong ito ang lalawigan ng Bukidnon sa mga sumusunod na kadahilanan: una, ang Bukidnon ang pinakamalaki na bumubuo sa rehiyong ito; pangalawa; sa Bukidnon matatagpuan ang iba’t ibang grupo o pangkat-etnolinggwistiko, na bumubuo rin sa ibang lalawigan ng rehiyong ito. Samakatwid, hindi lamang iisang pangkat ng mga tao ang naninirahan ditto kaya naman malawak ang pinag-uugatan ng kanilang kultura, paniniwala, sistema ng pamumuno, at anyo ng panitikan. Tutuntunin sa papel na ito ang panitikang pasalita ng rehiyon, at kung anu-ano ang bumubuo sa panitikang pasalita o oral sa buong rehiyon. Matatantong sa panitikang oral ay nakapaloob din ang isang mayabong na kultura, gawi at paniniwala. Kaya lamang, sa kasamaang palad, tila unti-unti nang namamatay o nanganganib nang mamatay ang panitikang pasalita sa tradisyunal na lipunan tulad ng Bukidnon.
Ang panulaan sa rehiyong ito ay pabukal na rendisyon ng pagtugon nila sa buhay at kapaligiran. Ibig sabihin, kung ano ang kanilang nararamdaman, nararanasan, at nakakasalamuha sa araw-araw ang nagsisilbing inspirasyon nila sa paglikha ng mga panitikang makapagpapakilala ng kanilang buhay at pagkatao. Sa kanilang panulaan ay gumagamit sila ng sinaunang wika. Mayroon ding paniniwala sa supernatural na nilalang. Samakatwid, may elemento ng mito. Naniniwala sila sa kapngyarihan ng mga espiritu sa kapaligiran at sa bathalang si Magbabaya.
 Ang Panitikang Pasalita ng Bukidnon ay binubuo ng  Tugmang pambata (sangun-sangun hu bata), Bugtong (antoka), Salawikain ( basahan), Tula (limbay, sala, bayuk-bayuk), Katutubong epiko (ulaging), Kasaysayan ng lahi (gugud), Mitiko (batbat), at Kwentong bayan (nanangen).
May dalawang uri ng panulaan ang Bukidnon. Ang tulang inaawit at ang tulang di-inaawit. Sa tulang inaawit, walang sinusunod na isang takdang tugma, ginagamitan ng mga instrumentong pangmusika tulad ng alunignig at alingawngaw. Binubuo ang tulang inaawit ng sala – mabagal at matamlay na binibigkas. Ang tema ay panguba-uba (awa sa sarili), pagpangulitawu (panliligaw), pangandu (pag-asa), paguma daw panamilit (pagbati sa pagdating at pamamaalam), paghiwal hu analw (awit sa bukang-liwayway), pagka-udtu (awit sa tanghali), pagsalop hu anlaw (awit sa paglubog ng araw), at ang daluman (o awit sa takipsilim). Ang isa pang anyo ng tulang inaawit ay ang limbay. Tulad ng sala ang anyo at nilalaman nito kaya parehong nagpapahayag ng nararamdaman. Mabilis ang tiyempo at may masiglang melodya. Ito ay kadalasang inaawit kapag may inuman. Kapag kinanta na ito, magsisimula na ang inuman. Subalit magbababala ang mang-aawit na huwag masyadong magpakalasing sapagkat nay espiritung nagbabantay sa kanila habang sila’y umiinom.  Ang paboritong tema sa limbay ay nostalgia, halimbawa, ang pagdurusa dulot ng pagkawalay at matinding hangaring makapiling ang minamahal. Halimbawa, ang mangingibig na maglalakbay ay humihiling ng alaala sa minamahal, tulad ng singsing na simbolo ng sulo na siyang tatanglaw sa kanilang landas, o isang tungkos ng buhok na gagawing tali ng tabak. Ito ay sumasagisag ng kanilang pag-iibigan. Kapag nakalag, mapaghihiwalay sila ng kamatayan o kaya naman maaaring ang babae ay kinasal na sa ibang lalaki. Sa ikatlong anyo naman ng tulang inaawit na tinatawag na Idangdang, higit na masigla at mabilis ang pagbigkas/pag-awit nito kaysa sa limbay. Ito ay binubuo ng malayang taludturan. Ang pag-awit nito ay maaaring maging isang anyo ng pagtakas mula sa buhay ng tigib ng problema o isang paraan ng pagluwalhati sa isang magandang babae na ang mangngibig ay  ganap ma bihag ng kanyang kariktan. Ang idangdang y maaari ring maging pagpapahayag ng kalungkutan. Halimbawa, ang kwento ng pamimighati ng isang babae sa kanyang asawang nalunod sa taksil na ilog Umayyam ng Bukidnon, kaya nang mabalitaan ng babae ang nangyari sa asawa  ay inawit nito ang idangdang, kaya naman ito ay makabagbag-damdamin. Isa pang anyo ng tulang inaawit ay ang oyayi. Ito ay maiikli at mapayapang tulang inaawit ng ina sa sanggol upang ito ay patulugin o patahanin, o kaya naman ay isang hiling ng magandang kinabukasan sa kanyang anak.
Ang tulang di-inaawit ay binubuo ng bayuk-bayuk. Karamihan dito ay tungkol sa pag-ibig. Halimbawa, ang paghahanap ng mangingibig sa babaeng gusto niya, subalit nang matagpuan niya ito, hindi naman niya kayang ibigay ang presyong itinakda para sa babae. Masasalamin dito ang kultura ng tiyakang turing kung saan, walang lalaking Bukidnon ang makapag-aasawa ng walang dibdibang layunin at angkop na preparasyon. Binibigkas din ito sa seremonya sa kasal. Binibigkas ito upang batiin ang pamilya ng babaeng ikakasal. Bago dumating sa bahay ng babae, isa sa panig ng lalaki ang bibigkas at maglalahad nng kasaysayan ng pamilya ng lalaki at lahing pinagmulan nila. Sasagot din ang pamilya ng babae sa pamamagitan ng bayuk-bayuk. Tatanggapin at kikilalanin ang mabuting layunin ng pamilya ng lalaki habang pinaaalalahanan ang lalaki na mag-ingat upang hindi mabyuda ang babae. Binabanggit ito dahil minsan nagkakaroon ng alitan sa seremonya ng kasal. Kasi nga, kapag binibigkas ang bayuk-bayuk, natutuklasan ng magkabilang panig na mayroong hindi nalutas na isang dating alitan. Kung kaya’t magdaraos ng ritwal na tinatawag na pamalas upang mapawi ang pagkakagalit. Sa pamalas, magkakatay ng isang puting manok at paaagusin ang dugo sa magkahawak na kamay ng dalwang ikakasal, at saka sasabayan ng dasal.
Ang Dasang ay isa pang anyo ng tulang di-inaawit. Ito ay tulang mabilis na binibigkas kapag may mga kasunduang pangkapayapaan o pagtitipon ng mga  datung mula sa iba’t ibang tribo. Binibigkas ito kapag hindi nagkakasundo o may napakahalagang bagay na dapat patunayan o upang ipahayag ang pagkakagalit.  Binibigkas ito nang may diin sa simula at wakes ng bawat linya.  Sa mga pagitan, may dalawang pangkat ng dalawang diin at isang magaang na pantig. Napakaregular at mapuwersa ang indayog nito. Kaya nga hindi madaling isalin o kopyahin ang dasang. Ang datu o tagapamagitan ay siyang makikinig at hahatol. Kapag labis ang alitan, umaabot sa maraming araw ang pagbigkas nito. Ngunit, sa bandang huli, nagkakasundo rin ang magkabilang panig.
Ang mga kwentong salaysayin ay salaysay na gumagamit ng natural, pang-araw-araw na Binukid. Ito ay batay sa Manobo at may malakas na impluwensya ng mga wikang Bisaya dahil naninirahan ang Bukidnon sa lugar na napapaligiran ng mga Manobo at napapasok ng mga Bisaya.
Hindi tulad ng panulaang Bukidnon na gumagamit ng sinaunang wika, ang mga kwentong Bukidnon ay salaysay na gumagamit ng natural, pang-araw-araw na Binukid. Nakabatay ito sa Manobo at may malakas na impluwensya ng mga wikang Bisaya dahil naninirahan ang Bukidnon sa lugar na napapaligiran ng Manobo at napapasok ng mga Bisaya.
Ang mga uri ng kwentong salaysay ng Bukidnon ay ang Nanangen, Mantukaw, at Batbat.  Simple at malinaw ang istilo ng mga kwentong salaysayin. Karaniwang nagsisimula ito sa pariralang “Iyan ta pa man iman pagnanangen si…” (Doon natin isasalaysay ang kwento ni…). Ipinakikita ng panimulang parirala na ang interes ng istorya ay nakatuon sa tauhang karaniwang sumasagisag sa isang mensahe, aral o katotohanan. Tuwirang maugnayin ang mga simbolong ginagamit sa mga kwento at makahulugang tumutukoy sa mga bagay na kayang sapulin ng mga tagapakinig. Ang mga imahen ay malinaw na hinahango mula sa mga insidente sa buhay, bagay-bagay at kapaligiran. Ang mga tayutay tulad ng metapora, simile, hyperbole, at personipikasyon ay kadalasang ginagamit. Sa Nanangen, ang panauhin ang siyang magsasalaysay sa kahilingan ng punong-abala. Pangkalahatang paniniwala na para matapos ang kwento, hindi dapat pumikit dahil makakatulog. Kapag tahimik na habang nakukwento, itatanong niya: Paliman kaw pa? (Nakikinig pa ba kayo?) Kapag walang sumagot, ibig sabihin, ang lahat ay nakatulog na. Dito ititigil ang kwento, at pagsapit ng umaga ay itatanong kung saan nahinto, kapag mayroong may alam, tutulungan niya sa pagkukwento ang nagsasalaysay. Ang pagbigkas ng Nanangen ay nakatutulong upang mapigilan ang pagsalakay ng magahat. Dahil ang pagbigkas nito ay nangangahulugang gising pa ang mga tao sa bahay na kanilang sasalakayin, kaya sa halip na sumalakay ay maeengganyo silang makinig na lamang ng kwento. Ang Mantukaw naman ay ang pagkukwento ng epiko. Ang mga tauhan ay may mahika, tulad sa ulaging . halimbawa, si Agyu ay lagging nagwawagi sa digmaan dahil taglay niya ang pisikal at panloob na lakas ng mandirigma. Sa Mantukaw ay ipinapakita ang kawalang saysay ng digmaan at ang pandaigdigang paniniwala sa kapatiran. Sa Batbat, kasama ang mga kwentong alamat na pinagmulan ng lawa. Para sa kanila, ang lawa ay sumasagisag sa misteryo at  naniniwala ang mga katutubo na sinumpa ang species na naroon.
Ang dalawang uri ng batbatonon o naratibo ay ang Gugud (history) at batbat (sacred narrative). Nahahati ang gugud sa 1) mga kuwento ng paglikha at alamat, 2) mga kuwento ng delubyo at pagkakaroon ng mga tao sa Central Mindanao, 3) mga kwento ng baha at ng pagpapatuloy ng kasaysayan ng henerasyon pagkaraan ng baha, 4) mga kuwento ng paglikas at kasunod na pagiging immortal at eksodo patungong daigdig ng ulagingen, 5) at mga kwento ng pag-akyat ng Baybayan at ng kanyang mga disipulo at tagasunod.
Pinakamahalaga ang banghay sa layunin ng pagsasalaysay ng gugud at batbat. Nagsisimula ito sa kalagayang naging masalimuot dahil sa sunud-dunod na mga insidenteng nagtutulak sa aksiyon upang marating ang pinakamataas nap unto ng kumplikasyong tinatawag na kasukdulan. Sinusundan ito ng kakalasan na nagbibigay-daan sa konklusyong lumulutas sa tunggalian. Kadalasang nagtatapos ang banghay sa pagtatagumpay ng pangunahing tauhan at/o pagkawasak ng kanyang mgfa kalabang tauhan.
Sa gugud at batbat, likas ang banghay sa konsepto ng pangunahing tauhan, ibig sabihin, nalilinang ang salaysay sa pamamagitan ng mga Gawain ng bida ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito. Sa ganitong kaayusan, yugto-yugto ang banghay, na ang kaisahan ay itinatakda ng bidang iniikutan ng mga pangyayaring may kapayakan ang pagkakalahad. Ang ganitong pagbabanghay ay tatak ng lahat ng uri ng pasalaysay na panitikang-bayan na malaking bahagi ang nakabatay sa matapat na pag-alinsunod sa itinakdang balangkas na pasalita at de-kahon.
Gumagamit man ng pamamaraang nagpasalin-salin sa iba’t ibang henerasyon, ang gugud at batbat ay hindi masasabing puspusang tradisyunal dahil maaaring malayang baguhin ng tagapagsalaysay sa pagtalakay ng kanyang material ayon sa kanyang estilo ng pagkukwento. Sa madaling salita, bagaman umaalinsunod ang banghay sa ilang saligang pormula, maaari pa rin itong iangkop sa sensitibo at samutsaring pagtugon palagudgud o palabatbat sa kanyang paksa sa aktuwal na proseso ng salaysay.
Didaktiko ang mga kuwento ng paglikha na nagpapakita ng makabuluhang mga aspekto ng paniniwala ng Bukidnon hinggil sa pinagmulan ng uniberso: ang kalangitan, ang sangkalupaan at lahat ng bagay ditto kabilang ang tao at ang anim na diwata o mga tagapamatnubay na espiritu at iba pang mumunting espiritu. Ipinaliliwanag ng mga kwentong ito kung bakit dapat isagawa ang ritwal na kaliga. Ayon sa isang gugud, ang pagkakaroon ng mga peste ay mahiwagang kagagawan ng mga espiritung dapat payapain sa pamamagitan ng angkop na ritwal.
RITWAL
                Ang Pamuhat ay nagmula sa salitang buhat na ang ibig sabihin ay gawin. Bilang isang relihiyosong gawi, ang pamuhat ay nangangahulugang ritwal o seremonya na isinasagawa batay sa tradisyunal na panuntunan at pormula. Ang pinakasentral na pigura nito ay ang talamuhat na siyang gumaganap bilang tagapamagitan sa pagitan ng sumasamba at supernatural, at siyang nagtatakda ng ritwal na bagay na gagamitin o kinakailangan sa ritwal at ang diwatas (spirit custodian) kung kanino ito iniaalay.
                May dalawang uri ng pamuhat batay sa paraan ng pagtatanghal: ang karaniwang pamuhat, simpleng ritwal na tumatagal ng tatlo hanggang apat na oras, at ang mas komplikadong ritwal na tinatawag na kaliga na karaniwang tumatagal ng tatlo hanggang siyam na araw. Sa pamuhat, binibigkas ang dasal at ang alay ay inilalagay sa maliit na mesa o sa sahig. Binubuo ito ng mga sumusunod na hakbang: 1) panawag tawag (call) o pandalawit (invitation) kung saan ang espiritung tinatawag ay hinihiling na dumalo sa ritwal, makinig sa mga kahilingan at basbasan ang mga alay, na may pag-asang ang ritwal ay magiging mabisa. 2) ang pagkatay sa mga isinakripisyong hayop tulad ng manok at baboy; 3) ang pambungad na yugto kung kailan niluluto ang kinatay na hayop at ang palagugud o palabatbat na dumalo sa ritwal ay bumubigkas ng gugud o batbat kung saan ang ritwal na isinasagawa ay may kinalaman; 4) ang pangalawang panawagtawag kung saan ang espiritung inanyayahan ay tinatawag na upang makisalo sa pagkaing inialay; at 5) ang panampulot kung kailan ang mga sumasamba ay sumasali sa espiritung makisalo sa handog.
                Ang ikalawang anyo ng pamuhat ay ang kaliga. Ito ay isang mahabang pagtatanghal o ritwal para sa mga pangunahing espiritung nagbabantay. Ang mga dasal ay inaawit ng baylan (kaliga ritualist) at ang tumatabok (choir members na umaawit ng tabok (tugunang dasal) na sumasayaw rin ng dugso (kaliga ceremonial dance). Ang istruktura ng kaliga ay binubuo ng lahat ng bahagi ng pamuhat, subalit ito ay nagsisimula sa isang imahinaryong paglalakbay na tinatawag na paglamig na tumatagal ng magdamag. Sa bahaging ito, ang baylan ay await ng isang mahabang dasal sa wikang sinauna, hinihiling ang Doongan Dagumakan, ang espiritung piloto ng kalingkaling (flying boat), upang maabot ang lahat ng matataas na espiritung naninirahan sa tuktok ng bundok sa buong lalawigan ng Bukidnon upang dumalo sa isang malaking seremonya. Kung sa pamuhat ang mga alay ay nakalagay lamang sa mesa o sa sahig, ang kaliga ay nangangailangan ng bangkasu (altar) at gulang-gulang (a basket-like container hung over the altar). Ang alay ay binubuo ng ilang baboy, manok, sako ng bigas, at lalagyan ng pangasi (rice wine).
                Ang Bukidnon talamuhat at baylans ay kinikilala ang limang uri ng pamuhat: 1) pamuhat ha indengana ha etaw o ritwal para sa anim na pangunahing tagabantay na espiritu na nilikha kasama ang tao; 2) pamuhat ha dinatu o ritwal na pinamumunuan ng datus kapag gumagawa sila ng batasan (customary laws); 3) pamuhat ha In-ayaw o ritwal na tinatanghal sa pagdikta (karaniwan sa panaginip) ng mulin-ulin (the winged supreme being) o sa ibang espiritu; 4) pamuhat ha dinalinsay o ritwal na tuwirang iniaalay kay Magbabaya, ang Supremang Nilalang, kapag may kagbaylan (Nativistic movement) kung saan ang ilang baylans at mga tagasunod nito ay nagtitipon sa isang tagong lugar at patuloy na magsasagawa ng ritwal upang makamit ang libung (immortalization); at 5) buhaton ha maayad ha etaw o ritwal na isinasagawa ng mananampalataya na humihiling upang matamo ang benepisyo, mag-aalay ng pasasalamat.

Mga Manunulat/Awtor sa Hilagang Mindanao
Ang mga manunulat na ito ay hinati sa modernong panahon patungo sa kontemporaryong panahon. Ang mga manunulat na ito sa Hilagang Mindanao na kabilang sa modernong panahon ay nahahati sa dalawang schools of thought: una ay ang proletarian form of literature kung saan ang kanilang panitikan ay mula sa masa at para sa masa. Samantalang ang isa pang anyo ay ang art for art’s sake. May diwa ng nasyunalismo at paghahanap ng identidad ang kanilang mga sulatin at gamit ang midyum na Ingles. Ang kontemporanyong panahon, sa kabilang dako, ay ang panahon pagkatapos ng rehimeng Marcos. Dito ay nagkaroon na ng kalayaan sa pamamahayag ang mga manunulat. Nagkaroon na rin ng mga institusyon na nag-iisponsor ng mga literary contests, halimbawa, ang Palanca Awards. Sa tula, wala silang sinusunod na sukat at tugma, samakatwid, naging malayang taludturan na. Sa kabuuan, ang pagkakahawig ng mga manunulat na ito na kabilang sa moderno at kontemporanyong panahon ay ang paggamit ng iisang midyum, at ito ay ang wikang Ingles; pangalawa, ang paggamit ng mga kontemporanyong paksa na may kinalaman sa panlipunan, pampulitika, at panrelihiyosong pananaw. Dito na rin sila nagsimulang gumamit ng metapora o simbolismo; humiwalay na sila sa tradisyunal na anyo na may sukat at tugma, sa halip, naging malayang taludturan na ang anyo.

ALEJO, Albert
Siya ay tubong Misamis Oriental. Isinilang siya noong Agosto 25, 1958. Isa siyang manunulang Pilipino. Anak siya nina Severino Alejo at Cinderella Eduave. Lumaki siya sa Obando, Bulacan at doon nakatapos ng elementarya at sekundarya. Noong 1979, nakamit niya ang bachelor’s degree sa UST. Noong Mayo 30, 1979, pumasok siya sa Jesuit Novitiate. Nagtapos siya ng Master’s Degree sa Teolohiya sa Loyola School of Theology noong 1992. Naordinahan bilang pari noong Abril 20, 1991.
Nailimbag ang kanyang repleksyong pilosopikal ukol sa konseptong Filipino ng “loob,” Tao Po! Tuloy! Isang Landas ng Pag-unawa sa Loob ng Tao, 1990, at nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle. Lumabas ang kanyang mga tula sa aklat na, Sanayan Lang ang Pagpatay, 1992.

BERNAD, Miguel
Siya ay isinilang noong Mayo 8, 1917 sa Ozamis City, Misamis Occidental. Nagtapos ng elementarya noong 1920 sa Paaralang Sentral ng Misamis at sekundarya sa Colegio de San Carlos. Tinapos niya ang kurso sa Pilosopiya at nag-aral ng pagpapari sa Jesuit Novitiate, at nagtapos rin ng Teolohiya sa Woodstock College sa Maryland noong 1947.
Naging patnugot siya ng Philippine Studies noong 1956-1959 at naging kolumnista ng Philippine Daily Express. Naging propesor siya sa Ateneo de Manila  at nagturo rin sa Xavier University sa Cagayan de Oro City.
Ang ilan sa mga aklat na kanyang nailimbag ay ang Tragic Mountain: Manunggal , The Ascent of Mt. Apo, Bamboo and the Greenwood Tree, The Landscape, The Christianization of the Philippines, Dius ng Tau, The February Revolution and Other Reflections, at marami pang iba.
CANOY, Reuben
Nagsimula ssiyang sumulat noong siya ay nag-aaral pa sa Siliman University at Unibersidad ng Pilipinas. Naging mahusay siyang patnugot ng mga pahayagan ng Siliman University at naging patnugot din ng Collegian ng UP noong 1950.
Umani ng pagkilala ang dalawa sa kanyang mga naisulat: Deep River (kwento) at Let the People Speak (dula). Pinagkalooban din ng parangal ng Manila Critic Circle ang mga akdang Sa Daigdig ng Kontradiksyon, Days of Disquiet, Nights of Rages, Salvaged Poems at Salvaged Prose.
Ang kanyang mga akdang pamp[elikula tulad ng nabanggit na (Jaguar at Sister Estella L) ay nagtamo ng karangalan sa Gawad Urian, at ang Kapit sa Patalim naman ay pinarangalan ng Film Academy at Star Awards.

DEMETRIO, Francisco
Isinilang siya noong Hunyo 18, 1920 sa Cagayan de Oro City. Siya ay anak nina Victor Demetrio at Ramona Radaza.
Nagtapos siya ng pag-aaral sa St. Augustine School at Ateneo de Cagayan. Pumasok sa Sacred Heart Novitiate sa Novaliches noong 1938, at tinapos ang Teolohiya sa Woodstock College sa Maryland noong 1948.  Noong 1951, inordinahan bilang pari.
Noong 1967, itinayo niya ang Museo de Oro na nagpapakita ng kultura ng Cagayan de Oro. Miyembro ng Philippine Folklore Society at naging head ng Mindanao Association of Museums.
Nailimbag niya ang Myths and Symbols Philippines, isang koleksyon ng sanaysay ukol sa kultura; Christianity in Context, mga sanaysay ukol sa relihiyon; at The Soul Book. Pinasikat ang labing-anim na Mindanao folktales sa dalawang komiks.
 Patunay sa kanyang kahusayan sa pagsulat ang The National Catholic Press Awards para sa kanyang Myths and Symbols Philippines, at ang 1991 National Book Award mula sa Manila Critics Circle para sa The Soul Book.
Noong 1990, natanggap niya ang Gawad CCP Para sa Sining, at Lifetime Achievement Award mula sa City Council of Cagayan de Oro noong 1993.

LACABA, Emmanuel
Isinilang siya noong Disyembre 10, 1948 sa Cagayan de Oro City. Pangatlo siya sa anim na anak nina Jose M. Lacaba Sr. at Fe Flores. Nakatatandang kapatid niya si Jose Lacaba.
Nagtapos siya ng elementarya at hayskul sa Pasig Catholic College at nagtapos ng kolehiyo sa Ateneo de Manila University.
Nagsulat siya ng mga dula para sa Philippine Educational Theater Association at sumulat ng liriko ng awit ng pelikulang Tinimbang Ka Ngunit Kulang ni Lino Brocka.
Nanalo ng ikalawang gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ang mga kwento niya na pinamagatang, “The Trial of Professor Riesco” at “Punch and Judas.”
PAGUSARA, Don
Siya ay isinilang noong Hulyo 10, 1938 sa Tangub Misamis, Oriental. Naging patnugot siya ng dyaryo ng San Jose Recoletos at nagwagi ng gantimpala sa pagsusulat sa ilalim ng College Editor Guild of the Philippines noong 1969.  Nagturo ng Literatura sa UP noong 1981 at nagtatag ng People’s Center for Development noong 1985. Naging direktor ng mga proyektong pananaliksik sa kooperatiba.
Lumabas sa Literary Apprentice (1980-1982), sa Philippine Studies (1985), Versus Philippine Protest Poetry (1983-1986). Kamao (1987), Mithi 12 at Ani 4 ang mga naisulat niyang tula. Ang iba sa kanyang mga naisulat ay ginawang awit at ito’y nailimbag sa Ibong Malaya Vol.1 & 2, ang mga ito ay pawang koleksyon ng mga awiting pangkalayaan. Siya rin ang sumulat ng liriko ng mga tanyag na mga awit para sa Sinalimba (Sayaw Pandrama sa Davao).
Pagsusuri:
                Malawak at masalimuot na ang diskurso hinggil sa wikang ginagamit sa Pilipinas. Samantalang malaon nang naisasantabi ang panitikan sa bawat rehiyon sa Pilipinas. Kung ang ating mga manunuri at historyador ay nagkaroon ng malaking ambag sa pagpapatibay ng wika ng Pilipino, bakit natatabunan na ang panitikan ng bawat rehiyon sa Pilipinas gamit ang diyalektong sinasalita sa alinmang sulok ng Pilipinas?
            Sa lagay ng ating panitikan sa kasalukuyan, masasabing mayaman ang kalipunan ng anyong sining na ito sa Pilipinas. Kaya lamang walang nagbabasa nito bunsod ng naglipanang mga babasahin sa wikang Ingles na ngayo’y nasa mainstream. Dahil dito, gaano man kahusay ang pagkakasulat ng mga manunulat sa bawat rehiyon, naipagsasawalang-bahala na ang kanilang mga likha.  Lalo pa itong pinalalala ng epekto ng kolonisasyon ng kaisipan – naging maka-Kanluran na ang oryentasyon ng pag-iisip ng mga mambabasa.
            Sa kalagayang ito, mahirap na maabot ng panitikan ng rehiyon sa Pilipinas ang istatus ng panitikan sa Ingles dahil sa globalisasyon. Ito ay dahil kung may nagbabasa man nito, walang iba kundi mga guro at estudyante sa isang limitadong sabjek lamang. Walang malawakang pag-aaral ang isinasagawa sa panitikang rehiyunal ng Pilipinas, at mapapatunayan ito dahil kaunti lamang ang mga materyal na matatagpuan sa mga aklatan na may kinalaman sa panitikang rehiyunal. Kaalinsabay ng pagsawalang-bahala sa panitikan ng rehiyon ay ang pagkalimot sa mga manunulat ng rehiyon. Gaano man kalaki ang kanilang ambag sa karunungang-bayan, naisasantabi sila at natatabunan ng mga manunulat na Ingles at sa Ingles. Bilang pag-resist sa kalagayang ito, ang mga manunulat ng rehiyon sa kontemporanyong panahon ay napipilitan na rin na magsulat sa wikang dayuhan dahil narito ang market at sa ganitong paraan sila makikilala at matatanggap ng mga mambabasa.
            Sapat ang tradisyon at kultura ng Pilipinas upang makabuo ng isang malalim at matatag na pundasyon na pag-aangklahan ng panitikan ng mga rehiyon sa Pilipinas. Kaya lamang, kaunti na ang nagsusulat sa kani-kanyang diyalekto. Kung magpapatuloy ang ganitong krisis, hindi maglalao’y maglalaho na ang panitikang ito. Dahil kaunti na ang nagsusulat gamit ang mga diyalekto sa Pilipinas, ang mayamang tradisyong pasalita ng bawat rehiyon, sa pagdako ng panahon, ay mamamatay sa kanyang abang kalagayan.
            Kaya naman ang hamon sa ating mga kabataan, lalo na sa nasa akademya ay ipagpatuloy ang pag-aaral ng panitikang ito. Ang pag-aaral ng mga diyalekto sa Pilipinas ang maaaring maging unang hakbang o susi upang matunton ang kultura sa bawat rehiyong ito. Kung magkakaroon tayo ng sapat na pag-unawa sa diyalektong sinasalita dito, magiging madali sa atin na i-transcribe ang lahat ng tradisyong pasalita sa mga rehiyong ito, at sa gayo’y mababanyuhay natin ang abang kalagayan ng panitikang rehiyonal.
Para naman sagutin ang inilatag na katanungan sa unang bahagi ng papel na Saan nga ba patungo ang Panitikang Filipino? Sapat ba ito para bumuo ng isang Wikang Pambansa? Ang sagot ng papel na ito ay isang bukas na direksyon para sa mamababasa kung saan niya nais pang dalin ang mga nailatag ditong kaalaman at karunungang nagnaanis magusbong ng pagtangkilik sa sariling atin. Ang Panitikang Filipino ay isang paksang hindi maaring bigyan ng payak na depinisyon ng isang tao, dahil ito ay binubuo ng maraming kasayasayan, karanasan at kaalaman na siya rin namang nag-uusig dito. Nangangailangan ito ng bayanihan mula sa iba't-ibang karanasan, kaalaman at kasaysayan ng mga nasasakupang mamamayanan upang ito'y umandar. Kaya para sa tanong na Sapat ba ito para bumuo ng isang Wikang Pambansa? Ang sagot ng papel na ito ay hindi. Dahil hindi makakaandar ang Panitikan mag-isa ng walang mga taong nagbubuhat dito. Tao ang gumagawa sa Panitikan, tao ang nagdadala sa panitikan at ang panitikan naman ang nagbibigay ng kahulugan sa isang tao at sa kanyang lipunan. Kailangan ng dalawa ang isa't-isa upang makabuo ng isang Wikang Pambansa.
Sa pagtatapos ng papel na ito, sana ay nausig ang mambabasa sa mga kaalaman at damdamin na nakuha dito, upang kumilos at maging instrumento ng lipunang Filipino upang umunlad ang Panitikan ng Filipinas na siyang magiging unang hakbang sa pagbuo muli ng watak-watak nating bayan.
Tula
Panlalang Hu Laga                                                                          
Dilay en ta deeg en
Nanaw man ta nunu man
Yan singani hu lalag
Yan sinta gahinawa
Mayunsun kuy hu tupas
Yumumun kuy hu diwata

Diwata ha linibeng
Tumpas ha tinaghanaw
Tinaghanaw hu buntud
Tampuyung ha imbatal
Buntura induluna
Imbatal hu diwata
Buntura aghayhayunan
Hayhayunan hu tupas
Ku balian nu diwata

Su paganay batunen
Tagna nuun tulignusun
Si Gininlawan Binatug
Hu malayen kaidayan
Hu langit langanlanganan
Hi lingulingu di’gpatay

 Panligaw ng Isang Dalaga
 Patango-tango sa gilid at harap
Sintang pinakaiibig
Ito ang aking minimithi
Ito ang nais ng aking isip
Na tayo ay makisama sa mga wagas
Na tayo ay makipagtipon sa mga diwata

Diwata na binuhay sa walang hanggan
Mga anghel na nawala sa mata
Naglaho sa kabundukan
Sa bundok na nakahadlang
Sa bundok na ginawang hadlang
Sa ginawang hadlang ng mga diwata
Bundok na inilaan
Ginalaan ng mga anghel
Tirahan ng mga diwata

Nang panahong dalhin sa langit
Nang sandaling pumaitaas
Si Gininlawan Binatug
Sa langit ng kasiyahan
Sa langit ng kaligayahan
Ang lugar ng walang kamatayan

 Pagsuwaya
Ay… suladlad ka sa Dinug
Sikad ka ta Yambagu
Suwatan ta una pa
Salaysayan ka una
Isan ku unduren ka
Bulahan makamang ku
Husayan ku sa buhuk nu
Basta mahipudut ku
Gundu hu lubayen nu

Ba ku da’gpatengedi
Ku pangayawag si aldaw
Ku ayabat liyuwen ku
Duyuna ku’g-ugpaan
Ba ku’gpa-ayagai
Pagdayu si nabayaw ku
Patay ad yagungyagung
Degpi dibaluyen kad
Anlug ta tuminaigan

 Paghihiwalay
 Ay…Pababa ka sa Dinug
Kikiling ka sa Yambagu
Susuklayin ko muna ang iyong buhok
Aayusin ko ang iyong buhok
Dahil sa pagbabalik mo
Ay mahahawakan mo
Susuklayin ko ang iyong buhok
Ay mahahawakan ko
Ang iyong mahabang mahal na buhok
Ang humahawak lamang
Ang dilaw na sinag ng araw
Sa aking lugar ililibot ko
Sa iyong tinitirhan
Pananatilihin ko lamang
Laban sa sinag ng araw
Kapag ako ay namamatay sa kalungkutan
Sa lugar ay pupuntahan ka sa ibayo
Sa pook doon ka titira

 Si Pilasa Daw Si Inay Din
 Nguk-nguk-nguk
Nguknguken hun daw
Iman inay Pilasa
Iyan iman kun si Pilasa
Tag-ulahuay ta agkauhul
Tuminubag si Inay rin
“Hagteng kad-en, Pilasa
Umangat kad ku
Manukad sa mga kurum”

Si Pilasa at ang Kanyang Ina
 Ngok, ngok, ngok, ngok
Tayo’y magsimulang umawit
Ang inang matsing
Ngayon ito ang anak ng matsing
Siya’y umiiyak dahil nagugutom
Ang ina ay sumasagot
“Tumigil ka sa pag-iyak, Pilasa
Maghintay ka hanggang
Ang puno ay mamunga ng prutas”

Panlibay Hu Bata 2
 Iya-iyag tunasen
Iya rig salingsingen
Padakulay tudug kad
Palangga yupayep kad
Sa tagkabaliwa ka tambang
Bat-ang ka kasamukan
Ta iyan a ha lumay nu
Iyan a hinulud nu
Malalan ta bal-ang ku
Libu sa higayun ku

Aman kun sa katudug
Man kun sa kayupayep
Su gubag hu katulin
Umaw hu kayupayep
Dalidali ka’gtulin
Daw magaan ka yuganud
Daw bayadan iundud nu
Daw utang ihinguli nu
Sa kulayam ku niglitan
Gublay hu miglagimu

Oyayi 2
 Maawa ka, mahal na anak
Maawa ka, aking sanggol
Pakiusap, matulog ka na
Giliw ko matulog ka na
Gawain ko’y iyong inaabala
Ako’y iyong pinag-alala
Dahil ako’y iyong ina
Ako’y iyong magulang
Marami pa akong gagawin
Maraming bagay pa akong gagawin

Kaya’t kung ikaw ay matutulog
Kung pagbubutihin mo ang pagtulog
Nang ika’y lumaki
Matulin ang paglaki mo
Ika’y mabilis tumangkad
At nang kayo’y makabayad
Ang utang mo sa iyong mga magulang
Ang pagtitiis ng iyong mga magulang
Ang pakikibaka sa taong nagbigay-buhay sa’yo
                                                                                  - Pauline Balba at Ace Mark Nicanor